The following essay is my personal reflection on the religious themes of the classic novel The End of the Affair by Graham Greene (1951). It was originally a piece written for my philosophy of religion class, but then the topic grew on me further throughout time and eventually espoused my genuine interest. The essay follows the philosophy of St. Anselm's Proslogion, following the main principle Id Quo Maius Cogitari Nequit paralleled with the main thought process of Bendrix, the novel's main character. Enjoy.

"Sa daming taong minahal kita, akin ka, at hindi sa Kanya." wika ni Maurice Bendrix. Si Maurice ang pangunahing tauhan sa nobelang End of the Affair ni Graham Greene, ang tauhang susuriin sa pagmumuning ito, kung saan tatahakin ang landas ng Panginoon sa pangangatwiran at sa perspektibo ni Maurice, at kung bakit siya nabigo. Lilinawin ang mga emosyon at tugon ni Bendrix para sa kanyang mahal na si Sarah at sa Panginoon sa kahabaan ng nobela nang ginagabayan ng pangangatwiran ni San Anselmo, na nagsabing yaong wala nang higit pang maiisip (id quo mauis cogitari nequit) ang Diyos.

Ipinakilala tayo kay Bendrix bilang isang manunulat. Maraming nagiging impluwensya ang propesyon sa kanyang buhay dahil mimistulang isang mahabang nobela ang buhay: isang kwentong puwedeng balik-balikan, maaaring pigilan, bagalan, bilisan, o tapusin sa kanyang minimithi. Kasama nitong kwento ang karamihan sa kinaiikutan ng kanyang buhay, kung saan naging bida si Sarah. Ipinintang intelektwal si Bendrix na malangis ang dila, na kanyang gagamitin upang mapaniwala ang iba sa kanya. Sinimulan ni Bendrix ang kwento sa hindi inaasahang pagkikita nila ni Henry sa Common, kung saan unti-unting inilarawan ang kanyang pagiging kabit kay Sarah habang kausap si Henry. Nang magkwento si Henry ukol sa kanyang selos kay Sarah, mayroong tinamaang ugat si Henry kay Bendrix na pinagmumulan ng malalalim na poot para kila Henry, Sarah, at sa Diyos. Susubaybayan ng poot ang anumang magiging desisyon sa mga susunod na eksenang hindi ayunan bilang bahagi ng pangangatwiran.

Maaaring nakaugat sa dalawang konteksto ang pagkakaroon ni Bendrix ng ganitong uri ng katwiran. Una ang kanyang pagiging nobelista. Bilang isang nobelista, kumikilos siya bilang umiiral na nag-iisip at suheto: cogito ergo sum, ika ni Descartes para sa lahat ng taong umiiral. Pag-iisip ang ugat ng mga eksenang gagamitin ni Bendrix ang pananalita para salakayin ang kritikong nakilala upang dumepensa. Marahil maraming kinukupkop na saloobin si Bendrix habang nakikipagsapalaran sa mga tauhan habang puno ng poot. Ang ikalawa ang nagpapalalim at ang mas interesanteng konteksto ng kanyang katwiran — ito ang pagka-alanganin niya sa kanilang pagmamahalan ni Sarah.

Walang dudang minahal ni Bendrix si Sarah, ang pagmamahalang ideyal at perpekto pag-ibig. Pagiging kabit ang nasa itaas na nibel ng kontektstong ito at ang nakukutobang paglabag naman ang nasa ibaba. Dahil siya nga ay isang kabit, mayroon siyang natutugonang paglabag sa relasyon ni Henry at ni Sarah sa kanyang loob, kaya't matagal nang pinapangarap na sana'y mamatay na lamang si Henry o hiwalayan ni Sarah si Henry dahil sa perpektong imahen ng kanilang pag-ibig — ngunit hindi ito nangyari. Mayroong nagpapahayag na hindi maipaliwanag ukol kay Sarah na nagkukubli, ngunit kanyang nararamdaman na tumatalab sa kanya. Sinasabing ang pagka-alanganing ito ang nagbibigay-daan sa paloob na pagkilatis (self-evaluation) na siyang maaaring maglaan ng kamulatan sa multiberso ng katwiran, at higit, sa diskurso sa kapwa. Dito sana magkakaroon ng pagkakataon tugonan ni Bendrix ang kanyang saloobin na maaaring magpresensya bilang mapang-wasak o mapanlikha sa kapwa, ngunit hindi ito nangyari. Tuluyan itong pumapalag sa kanyang pangangatwirang hindi niya maikahon sa tamang lugar — kung mayroon man itong mapaglalagyan sa katwiran.

Malupit ang tatag ni Bendrix sa kanilang pag-ibig. Maihahalintulad ang tatag na ito sa pag-iral ng yaong umiiral na walang nang pakahihigit pa, datapwa't kung natatanggap mo ito sa iyong isip at tanggap ng iyong puso, malamang ay umiiral ito. Katulad ng pagkatiyak ng realidad na hindi sila mahuhuli ni Henry sa kanilang relasyon ni Sarah, umiiral ito, sapagkat nadarama at hindi mapagdudahang umiiral talaga ito sa katalagahan. Siguro'y pinagmumulan ng poot ni Bendrix ang posibilidad na 'di buo ang kapit ni Sarah sa kanilang relasyon, sapagkat hindi pa niya iniwan si Henry nang lubusan. Subalit hindi ba't mas magandang isiping mayroon kaysa wala, sapagkat napakalinaw ng konseptong ito ng pag-ibig para sa kanya?

Ito ang katwiran ni Bendrix: sabihin man nating isang pagtataya ang paghabol niya kay Sarah na walang pagkatiyak at paniguradong kapit, mas tiyak naman siyang mas nakapagbibigay siya ng tamis sa pisikal at emosyonal na aspeto kay Sarah kumpara kay Henry. Hindi maaaring mas higit pa ang nabibigay ni Henry kay Sarah dahil kilala niya ang lawak ng maaaring mabigay nito, na walang nasabi sa kanilang pag-ibig. Kung gayon, hindi maaaring isiping hindi umiiral ang kanilang pag-ibig dahil nauuwi ito ng katwiran. Marahil may posibilidad itong hindi umiiral, ito'y umiiral dahil esensya nitong umiral, kasi higit pa ito sa pag-iral ng pag-ibig ni Sarah at Henry. Interesante ang pag-iral ng kanilang pag-ibig ngunit nakukutoban ni Bendrix ang pag-iral ng ibang umiiral na hindi niya mauwi-uwi, at nakikita niya ito kay Sarah.

Noong simula ng kanilang relasyon, tinamaan ng bomba ang tahanan ni Bendrix matapos nilang magtalik ni Sarah. Nalaman ni Bendrix ang pagsumpa ni Sarah nang mabasa niya ang tala-arawan nito, na kung buhay si Bendrix matapos niyang makita sa ilalim ng pintuan at kaskaho ay mag-aalay na siya nang buong pagmamahal sa Katolisismo at sa Diyos. Kung naghahanap man si Bendrix ng katiyakan sa pag-iral ng pag- ibig nila ni Sarah, ito ang nagtiyak ng pag-ibig ng Diyos kay Sarah sa hindi maintindihang paraan ni Bendrix. Sa isang banda, ito'y isang hieropaniya para kay Sarah na tumukoy sa pag-iral ng yaong walang maiisip na makahihigit pa. Sa kabilang banda, labis na nakahihigit ang pag-ibig ni Sarah at Bendrix kumpara sa pag-ibig ni Sarah kay Henry o sa Diyos, na hindi maaaring maiuwi sa isang hieropaniya lamang.

Sa gayon, kakapit ang katwiran ni Bendrix sa purong poot dahil ayaw niyang umamin sa pag-iral ng nakahihigit pa sa kanilang pag-ibig. Ngunit inilinaw nang may mas hihigit pang pag-ibig na taglay ang kabutihan kaysa kasamaan sa mata ni Sarah, dahil naglaan ito ng pagkakataong magpakita ng higit pang kabutihan kay Sarah. Pareho silang nagkakaroon ng pagkakataong mang-unawa: ang magpatalab at unawain ang pagpapameron ng lahat ng umiiral na kabutihang taglay ng Diyos, at kung uulitin, pagpagkita nang higit na kabutihan kay Sarah (at sa pagkabuhay ni Bendrix) na kanyang nauunawaan ngunit hindi tumatalab kay Bendrix. Magpapatuloy ang kontradiksyon para kay Bendrix dahil tuluyang lalabag ang Diyos sa kanyang pag-ibig nang iwanan siya ni Sarah, na susundan ng pagkamatay.

Naglalaho ang guni-guni ni Bendrix dahil gaganapin ng Diyos ang dalawang bagay na walang hustisya ayon sa kanyang katwiran: ang pag-iwan sa kanya ni Sarah at ang pagkamatay nito. Kung totoong kabutihan ang kanilang naging pag-ibig at tiyak ang kagandahan nito, bakit ito binawi sa kanila ni Sarah na nag-alay ng sarili sa Diyos? Bagaman hindi niya maunawaan, nasa kapangyarihan ng Diyos ang magpairal ng kasamaan, ngunit hindi niya ito gagawin dahil isa itong kilos ng kahinaan. Isa itong absurdong konsepto para kay Bendrix — paano niya malalaman ang hustisya sa ginawa ng Diyos sa kanilang pag-ibig at sa pagkuha kay Sarah kung hindi siya mamamatay kasama nito? Mistulang nilalabag ng Diyos ang kanyang sariling batas.

Ang mabuting tao at mahalagang pag-ibig — kahit sikreto at ipinagbabawal na relasyon man ito ay pag-ibig pa rin ito — ay kanyang binawi nang wala sa takdang panahon. Ipinapakitang hindi na mapakali ang loob ni Bendrix nang tatakbo na lamang siya sa poot dahil sa kawalan ng katwiran at hustisyang ipinakita ng Diyos. "Paano bang magkakaroon ng poot para sa bapor?" ika ni Bendrix. Subalit narito naman si Sarah, na hanggang sa kanyang mga huling sandal ay buong-puso't isipang minahal ang Diyos kahit hindi niya makatagpo. Ayon kay San Anselmo, nabibighani si Sarah sa kaliwanagan ng Diyos at sa tindi ng liwanag na ito ay hindi niya Siya makatagpo, ngunit sigurado siya sa kabutihan nito. Totoong dalawa pala silang hindi makatagpo ang Diyos at inililinaw na hindi ito ang kanilang antas ng pag-ibig, sapagkat sumasaibayo ito nang ayon sa dinanas ni Sarah. "Ang siyang humahanap sa Diyos ay parehong nakikita at hindi Siya nakikita" ika ni San Anselmo. Sa ganitong paraan ring tutukuyin ang mas mataas na pagmemeron na ipinapakita ni Sarah nang siya'y nag-alay nang buong-loob sa Diyos.

Taglay ng Diyos ang pag-ibig na mapagpatawad, ang pagkamaunawa, at ang pagiging maunawain, at ninais itong yakapin ni Sarah nang may bukas na loob na ating nakita sa pagpili niya sa tungkulin niya bilang asawa at sa pagpapatawad ng sarili sa kanyang mga naging sala sa relasyon nila ni Henry. Malaya niyang pinili ang nagmumukhang sedentaryong relasyon nilang mag-asawa sa mainit na pagtatalik at sikretong pag-ibig, dahil malamang ay natiyak na niyang ito ang tawag na nagdadalang- halaga ang asawa niya bilang tungkulin sa Diyos sa katalagahan kung tunay man itong umiiral, at dahil ito rin ang ipinakita niyang kabutihan para sa pagkabuhay ni Bendrix. Sa isang huling pagkakataon mamumulat si Bendrix sa lahat nang ito gamit ang talaarawan ni Sarah, subalit hindi ito maikahon ng kanyang katwiran. Ang pagsasakonsepto niya sa Diyos ay kanyang sariling konsepto lamang, sa imahen ng tao. Mulat siya sa karapat-dapat ngunit bakit mayroong pagbabago at pagpapalit ng hangarin niya nang ganito?

Ganap ang pag-ibig at pag-iral ng Diyos sa isang paraang nakahihigit sa katwiran, na nagmumukhang nagbabago lamang kay Bendrix dahil gusto niya itong maikahon. Ika ni San Anselmo, hindi naman napapanahon ang Diyos. Malinaw na hindi naman dapat ikinakatwiran ang pag-ibig para sa isang tao, kaya't iba ang nakikitagpo kay Sarah. Hahantong ang kwento sa pagsasamang pagluksa ni Henry kay Bendrix, habang balot ng hinayang, dahil binawian ng buhay ang pinakamabuti sa kanilang tatlo, ang may pananampalataya at mapagmahal, at naiwan ang dalawang diyos ang katwiran, material na bagay, at trabaho sa lupa. Kahit tuluyang poot ang kinapitan ni Bendrix, pumayag pa rin siyang samahan ito sa panahong nangangailangan.

Isang tema ng pagkamatay at pagkabuhay ang namamayani sa buong nobela: pagkamatay ng egotismo ni Sarah at pagkabuhay ng pananampalataya, pagkamatay ni Sarah mismo at pagkabuhay ng loob ni Bendrix sa huling mga sandali (kahit hindi man ito buo), at ang pagkamatay ng limitadong pag-ibig at pagkabuhay ng sumasaibayong pag-ibig. Pumapailalim rito ang misteryo ng pag-ibig ng pagkamatay ni Hesukristo upang muling mabuhay na basihan ng ultimong pag-ibig ng id quo maius cogitari nequit mula sa Ebanghelyo na hindi natin maiuuwi sa katwiran lamang, kung bakit kinakailangan at mahalaga, ngunit nararanasan natin ito sa isang paraang pagkamatay ng katwiran upang mabuhay ang loob, nang mabuhay ang pag-ibig na magiging landas tungo sa Diyos.